-- ADVERTISEMENT --
KORONADAL CITY, SOUTH COTABATO — Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang 19-anyos na out-of-school youth na nagpahayag ng banta ng pamamaril sa isang paaralan sa Barangay Paraiso, Koronadal City, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni PLtCol. Harold Cornel, hepe ng Koronadal City PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Cornel, nakatanggap ang isang guro ng chat message mula sa account ng suspek bandang ala-1:00 ng hapon noong Setyembre 21, 2026, na naglalaman ng banta na, “Next target luck Brgy. Paraiso, Koronadal City. Pusilon ko sila.”

Agad itong bineripika ng pulisya hanggang sa nakilala ang suspek na si alias Angelo, residente ng Sitio Salcan, Barangay Paraiso.

Batay sa imbestigasyon, kusang-loob na sumuko sa pulisya ang suspek kahapon, Setyembre 21, at kasalukuyang nasa lock-up cell ng Koronadal City PNP habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.

Dagdag pa ni Cornel, nang tanungin tungkol sa dahilan ng kanyang ginawa, sinabi umano ng suspek na hindi niya napigilan ang kanyang sarili na i-post ang naturang mensahe kung saan nagin-pilosopo rin ang sagot nito nang siya ay tanungin ng mga pulis.

Samantala, sinabi rin ng opisyal na natukoy na nila ang mga gumagamit ng dummy accounts na nagpapakalat ng mga banta online sa Koronadal City.

Isa-isa na umano nilang tutugunan at pananagutin ang mga nasa likod ng naturang mga account, kasunod ng patuloy na imbestigasyon at pagproseso ng mga kaukulang kaso.

Paalala naman ng pulisya sa publiko na huwag gawing biro ang mga online threat dahil maaari itong humantong sa kaukulang pananagutang kriminal.