-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na umiiral ang easterlies o mainit at mahalumigmig na hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko na nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Dahil dito, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Visayas, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Davao Oriental.

Nagpaalala ang PAGASA sa publiko na maging alerto sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na maaaring makaranas ng matitinding thunderstorm.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may posibilidad ng mga panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms bunsod ng localized weather disturbances.

Patuloy ring mino-monitor ng PAGASA ang isang Low Pressure Area (LPA) na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Ayon sa ahensya, may katamtamang tsansa itong maging isang tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Samantala, mananatiling mahina hanggang katamtaman ang lakas ng hangin sa buong kapuluan, habang bahagya hanggang katamtaman naman ang taas ng alon sa mga karagatang nakapalibot sa Luzon, Visayas, at Mindanao.