Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang digital records ng Grade 8 student na itinuturong suspek sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University, kabilang ang gaming history, chat messages at iba pang online activity, upang matukoy ang posibleng motibo sa insidente.
Dalawa ang nasawi sa pamamaril, kabilang ang isang estudyante at ang suspek mismo.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, bahagi ng forensic examination ang pagsusuri sa mga digital record upang mas maunawaan ang mga nangyari bago at habang isinasagawa ang insidente. Sinusuri rin ng mga imbestigador ang CCTV footage at mga pahayag ng mga saksi.
Lumabas din umano sa mga kuha ng insidente ang mga estudyanteng nagtatago sa ilalim ng mga mesa habang naririnig ang mga putok ng baril. Ayon sa mga awtoridad, iniimbestigahan din ang alegasyon na na-livestream ng suspek ang insidente gamit ang first-person perspective na kahawig ng video game.
Bukod sa digital evidence, malaking bahagi ng imbestigasyon ang pagtukoy kung paano nakapasok sa paaralan ang dalawang baril na naiulat na dala ng Grade 8 student.
Ayon sa pulisya, isang regular na pistol at isa pang baril na may conversion para maging kahawig ng assault rifle ang narekober. Nakita rin ang isang bag na pinaniniwalaang ginamit sa pagdadala ng mga baril, kasama ang magazine ng bala.
Samantala, pansamantalang inalis sa puwesto ang isang opisyal ng Bureau of Customs sa Zamboanga matapos lumabas na sa kanyang pangalan nakarehistro ang isa sa mga baril. Siya umano ang ama ng suspek.
Patuloy pang tinutukoy ng mga awtoridad ang buong sequence ng mga pangyayari at kung paano napunta sa menor de edad ang mga armas.
Nanawagan naman si Remulla sa publiko na huwag munang gawing usaping pampulitika ang insidente at sa halip ay bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng mga bata. Hinimok din niya ang mga gun owner na tiyaking ligtas at responsable ang pag-iimbak ng kanilang mga baril upang maiwasang mapunta ang mga ito sa maling kamay.













