Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang mga hakbang nito upang mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura, kasunod ng babala ng matinding init, kakulangan sa pag-ulan, at tagtuyot sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga programa sa irigasyon upang matulungan ang mga magsasaka na mapanatili ang produksyon ng kanilang mga pananim sa kabila ng inaasahang kakulangan sa tubig.
Kasabay nito, pinalalawak din ng DA ang kapasidad ng mga cold storage facility upang mapanatiling sariwa ang mga ani, mabawasan ang post-harvest losses, at mapalakas ang lokal na suplay ng pagkain sa halip na umasa sa pag-aangkat.
Naglaan na rin ang pamahalaan ng financial assistance para sa mga magsasakang maaaring maapektuhan ng El Niño.
Ipinaliwanag ng DA na kapag bumaba ang lokal na produksyon dahil sa matagal na tagtuyot at kakulangan sa ulan, maaari itong magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mas malaking pangangailangan sa imported na produktong agrikultural.
Nauna nang naglabas ang ahensya ng El Niño Alert batay sa projection ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na nagsasabing may 79 porsiyentong posibilidad na maranasan ng bansa ang El Niño mula Hunyo hanggang Agosto 2026 at posibleng tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.
Dahil dito, muling hinikayat ng DA ang publiko na maging matipid sa paggamit ng tubig upang makatulong sa pagpapanatili ng sapat na suplay habang pinaghahandaan ng bansa ang inaasahang epekto ng El Niño.













