Inatasan ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magsumite ng komprehensibong paliwanag kaugnay ng pagpapahintulot sa personal assistant ni dating House Speaker Martin Romualdez na manatili sa loob ng kanyang selda sa New Quezon City Jail sa Payatas.
Nais ni Remulla na malinawan kung ano ang legal at administratibong batayan ng naturang arrangement, sino ang nag-apruba nito at kung nasunod ang mga umiiral na patakaran sa loob ng pasilidad.
Binigyan niya ang BJMP ng 48 oras upang isumite ang kumpletong ulat at mga kaugnay na dokumento kay BJMP Chief Efren Nemeño.
Matatandaang inamin ni Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion sa pagdinig sa Sandiganbayan na pinayagan niyang manatili ang personal staff ni Romualdez sa loob ng selda upang asikasuhin ang kanyang pang-araw-araw na pangangailangan, dahil sa kakulangan umano ng jail personnel.
Binigyang-diin ni Remulla na walang sinumang detainee ang dapat makatanggap ng espesyal na pagtrato anuman ang posisyon o impluwensiya nito.
Dagdag pa niya, dapat mapangalagaan ang lahat ng kaugnay na rekord at mananagot ang sinumang opisyal na mapatunayang lumabag sa mga umiiral na regulasyon, alinsunod sa due process.













