Nakahanda na ang National Bureau of Investigation (NBI) na magpadala ng imbestigador sa Laos upang alamin ang mga detalye sa likod ng pagkakasamsam ng malaking kargamento ng shabu, ngunit hinihintay pa nito ang pahintulot ng pamahalaan ng nasabing bansa.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa gobyerno ng Laos at Department of Foreign Affairs (DFA) upang maisagawa ang planong misyon.
Nilinaw ni Matibag na hindi layunin ng NBI na arestuhin ang suspek sa Laos, kundi mangalap ng impormasyon tungkol sa pagpapadala ng ilegal na droga at tukuyin kung sino ang nag-book at nag-ayos ng shipment.
Plano ring kapanayamin ng NBI ang taong inaresto sa Laos at ang mga awtoridad na nagsagawa ng operasyon upang matukoy kung may mga indibidwal o grupong nakabase sa Pilipinas na sangkot sa transaksiyon.
Ipinaliwanag ni Matibag na karaniwang nakabatay sa prinsipyo ng territoriality ang pag-uusig sa mga krimen, kung saan ang bansang pinangyarihan ng paglabag ang may hurisdiksiyon alinsunod sa naaangkop na batas.
Sa kabila nito, mahalaga umanong matukoy ang posibleng ugnayan ng shipment sa mga indibidwal sa Pilipinas. Patuloy ang koordinasyon ng NBI sa mga kinauukulang ahensiya habang hinihintay ang pahintulot ng Laos para simulan ang imbestigasyon.













