-- ADVERTISEMENT --

Inatasan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang agarang imbestigasyon sa alegasyong palihim na nakalalabas ng Quezon City Jail si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez.

Iniutos ni BJMP Chief Jail Director Efren Nemeño ang pagsisiyasat nitong Martes matapos kumalat ang pahayag ng kolumnistang si Ramon Tulfo na umano’y pinapatay ang suplay ng kuryente sa pasilidad tuwing lumalabas at bumabalik si Romualdez gamit ang back stairs at ambulansiya.

Gayunman, ayon sa paunang pagsusuri ng BJMP, walang naitalang power interruption, CCTV malfunction o indikasyon na lumabas ng pasilidad ang dating mambabatas.

Tiniyak din ng ahensya na nagpapatuloy ang imbestigasyon at walang espesyal na patakaran sa kustodiya dahil pare-pareho ang umiiral na rules para sa lahat ng persons deprived of liberty o PDL.

Kasalukuyang nakadetine si Romualdez kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y ₱7.44-bilyong kickbacks mula sa flood control, infrastructure at iba pang proyekto ng pamahalaan.

Itinanggi naman ni Romualdez ang mga paratang laban sa kanya at sinabing haharapin niya ang mga ito sa korte.