-- ADVERTISEMENT --

Tuluyan nang naging isang typhoon ang Bagyong Kiyapo (international name: Noul) habang patuloy itong lumalayo palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa weather bulletin ng PAGASA na inilabas alas-2:00 ng madaling araw nitong Sabado, Hulyo 25, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 285 kilometro kanluran ng Basco, Batanes.

Taglay ng Kiyapo ang lakas ng hanging umaabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot hanggang 150 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Dahil sa patuloy na lakas ng bagyo, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes at sa kanlurang bahagi ng Babuyan Islands, kabilang ang Calayan, Dalupiri, at Fuga Islands.

Samantala, nasa ilalim naman ng Signal No. 1 ang iba pang bahagi ng Cagayan, hilagang Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ilocos Norte, at hilaga at gitnang bahagi ng Ilocos Sur.

Inaasahang magdadala rin ang bagyo ng malalakas na pag-ulan. Posibleng umabot sa 100 hanggang 200 millimeter ang buhos ng ulan sa Ilocos Norte at Ilocos Sur, habang 50 hanggang 100 millimeter naman ang maaaring maranasan sa Zambales, Occidental Mindoro, at Palawan dahil sa epekto ng habagat.

Bukod sa pag-ulan, patuloy ring magpapalakas ng hangin ang Habagat at ang malawak na sirkulasyon ng bagyo, na maaaring magdulot ng malalakas hanggang gale-force na bugso, lalo na sa mga baybayin at matataas na lugar.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang paggalaw ng Bagyong Kiyapo pakanluran-hilagang kanluran sa West Philippine Sea hanggang Sabado ng umaga bago ito tuluyang lumiko pahilagang-kanluran patungo sa timog na bahagi ng mainland China.