-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaaring sinasamantala ng China ang mga kontrobersiyang kinakaharap ng pamahalaan, kabilang ang mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects at ang usapin ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, upang lumikha ng kaguluhan sa bansa.

Ayon kay AFP spokesman for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, lumabas sa kanilang social media monitoring at analytics na may indikasyon ng impluwensiya ng mga dayuhan sa diskurso sa dalawang isyu.

Bukod dito, kabilang din sa mino-monitor ng militar ang naging operasyon ng mga awtoridad sa Sanja Steel Corp. noong Mayo 15, kung saan 69 Chinese workers ang iniulat na naaresto.

Sinabi rin ni Trinidad na bahagi umano ng nakikitang pattern ang pagtatangkang siraan ang ilang opisyal ng pamahalaan na hayagang kumokontra sa mga hakbang ng China sa West Philippine Sea.

Kabilang dito si Philippine Coast Guard spokesman for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, na naging isa sa mga pangunahing tagapagsalita ng pamahalaan sa pagtutol sa mga agresibong aksiyon ng China sa pinag-aagawang karagatan.

Ayon sa AFP, inaasahan nilang magpapatuloy ang ganitong uri ng information operations at propaganda, lalo na habang papalapit ang 2028 national elections.

Binigyang-diin ng militar na mahalagang maging mapanuri ang publiko sa mga impormasyong kumakalat online at tukuyin kung may dayuhang impluwensiya sa mga usaping maaaring magpalalim ng hidwaan sa bansa.