-- ADVERTISEMENT --

Hinamon ng Malacañang si Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang paggamit ng mahigit ₱70 milyong confidential funds na ipinababalik ng Commission on Audit (COA) matapos pagtibayin ng ahensiya ang nauna nitong desisyon.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nararapat lamang na sagutin ng Bise Presidente ang mga katanungan tungkol sa paggamit at liquidation ng nasabing pondo, sa halip na umiwas sa isyu.

Binigyang-diin ni Castro na kailangang linawin ni Duterte kung paano ginamit at na-liquidate ang confidential funds, lalo’t naglabas ang COA ng kautusang nag-uutos na isauli ang halaga.

Gayunman, kinilala ng opisyal ang karapatan ng Bise Presidente na kuwestiyunin ang desisyon ng COA sa pamamagitan ng paghahain ng petition for certiorari sa Supreme Court.

Sa kabila nito, iginiit ni Castro na wala pa umanong malinaw na paliwanag mula kay Duterte sa publiko tungkol sa paggamit ng nasabing pondo.

Patuloy na inaabangan ang magiging tugon ng kampo ni Duterte sa mga pahayag ng Malacañang at ang mga susunod na hakbang kaugnay ng desisyon ng COA.