-- ADVERTISEMENT --

Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palalawakin ng pamahalaan ang mga oportunidad pang-ekonomiya sa Mindanao kasunod ng pagsisimula ng regular na parliamentary government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa kanyang talumpati sa inaugural session ng unang halal na Bangsamoro Parliament sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Cotabato City nitong Biyernes, tiniyak ng Pangulo ang patuloy na suporta ng National Government sa awtonomiya at mga demokratikong institusyon ng rehiyon.

Sinabi rin ni Marcos na handa ang pamahalaan na makipagtulungan sa bagong halal na Parliament upang maisulong ang kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro.

Binigyang-diin niya na hindi pababayaan ng administrasyon ang rehiyon sa panibagong yugto ng pamamahala.

Samantala, kinilala rin ng Pangulo ang sakripisyo ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at mga lider na naging bahagi ng mahabang proseso ng pagsusulong ng kapayapaan.

Kabilang sa mahahalagang naging bunga nito ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, Bangsamoro Organic Law at pagtatatag ng Bangsamoro Transition Authority.

Sa pagbubukas ng unang sesyon ng halal na Parliament, pormal na nagtatapos ang pitong taong transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority.

Inilarawan ni Marcos ang makasaysayang pagbabago bilang tagumpay hindi lamang para sa Bangsamoro at Mindanao kundi para sa buong sambayanang Pilipino.