-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ni dating Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament member Sultan Edrieza Rimbang ang mga alegasyong siya ang nasa likod ng nabigong tangkang pagpupuslit ng 521 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱3.5 bilyon mula Laos patungong Pilipinas.

Sa pahayag na inilathala sa kaniyang Facebook account, pinabulaanan ni Rimbang ang mga paratang laban sa kaniya at sa kaniyang pamilya, at iginiit na wala siyang kinalaman sa anumang ilegal na operasyon ng droga.

“Ang sabi nila, involved po tayo sa Laos. Hindi po totoo ’yun,” pahayag ni Rimbang.

Ayon sa dating BTA parliament member, hindi siya kailanman nakipag-ugnayan sa sinuman upang magpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa mga kumakalat na post sa social media na naglalaman ng mga larawan nila ng kaniyang asawa. Kinuwestiyon niya ang motibo sa likod ng mga naturang post na aniya’y naglalayong sirain ang kanilang reputasyon.

Muli niyang iginiit na wala siyang kaugnayan sa umano’y operasyon ng pagpupuslit ng droga mula Laos.

Ang kaniyang pagtanggi ay kasunod ng testimonya ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Isagani Nerez sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs nitong Huwebes.

Sa naturang pagdinig, itinuro ng PDEA si Rimbang bilang umano’y pangunahing personalidad sa nabigong operasyon. Ayon sa ahensiya, siya umano ang nagkonsepto at nagplano sa pagpapadala ng droga, nagbigay ng mga tagubilin sa kaniyang mga kasabwat, at tumustos sa pag-arkila ng eroplanong nakatakdang gamitin sa pagdadala ng kontrabando.

Gayunman, mariing itinanggi ni Rimbang ang mga paratang laban sa kaniya.