-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na gawing inspirasyon ang kabutihan at mga sakripisyo ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagpapakita ng malasakit at pagtulong sa kapwa ngayong Undas.

Sa kanyang mensahe kaugnay ng paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day, nakikiisa ang Pangulo sa mga Katoliko at sa buong bansa sa pag-alala sa mga yumao.

Ayon kay Marcos, pagkakataon ang pagdalaw sa mga sementeryo upang mag-alay ng panalangin, sariwain ang mga alaala at muling magsama-sama ang mga pamilya, kabilang ang mga naglalakbay mula sa malalayong lugar.

Binigyang-diin din niya na mananatili ang pagmamahal at mga alaala ng mga pumanaw sa kabila ng kanilang pagkawala.

Hinimok naman ng Pangulo ang publiko na tularan ang kabutihan ng mga santo at mga indibidwal na nagsakripisyo para sa kanilang komunidad, sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.

Dagdag pa niya, hindi lamang dapat inaalala ang pagmamahal at malasakit tuwing dumadalaw sa mga puntod, kundi dapat din itong ipakita sa mga taong nabubuhay at nangangailangan ng suporta.

Umaasa si Marcos na paiiralin ng bawat Pilipino ang kabutihan at malasakit sa kapwa upang maisulong ang isang mas makabuluhang Bagong Pilipinas.