KORONADAL CITY – Umakyat na sa 45 ang bilang ng mga nasawi sa mapaminsalang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Sarangani Province, ayon sa pinakahuling ulat ng mga awtoridad.
Aabot naman sa 630 katao ang nasugatan habang 17 ang nananatiling nawawala sa gitna ng nagpapatuloy na search and rescue operations sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagyanig.
Ayon sa mga disaster officials, mahigit 1,209 aftershocks na ang naitala mula nang tumama ang lindol noong Hunyo 8, dahilan upang manatiling mataas ang pangamba ng mga residente at maging hamon sa mga rescue team ang kanilang operasyon.
Mahigit 25,000 residente rin ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan habang patuloy ang pagtatasa sa lawak ng pinsalang dulot ng kalamidad.
Sa tala ng mga awtoridad, higit 3,100 kabahayan ang napinsala, kasama ang mga kalsada, tulay, paaralan, ospital, gusali ng pamahalaan, at iba pang mahahalagang imprastraktura.
Dahil sa lawak ng pinsala, isinailalim na sa State of Calamity ang lalawigan ng Sarangani upang mapabilis ang pagpapalabas ng emergency funds at pagpapatupad ng relief, rescue, at rehabilitation programs para sa mga apektadong komunidad.
Naitala ang epicenter ng lindol sa karagatan malapit sa bayan ng Maasim, Sarangani Province. Itinuturing ang magnitude 7.8 na lindol bilang isa sa pinakamalalakas na tumama sa Mindanao sa mga nakalipas na dekada.
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto sa posibleng mga kasunod na pagyanig habang nagpapatuloy ang mga operasyon para sa mga naapektuhang pamilya.
Maalalang agad na nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong lugar kasunod ng lindol.
Sinabi mismo ni Pangulong Marcos sa kanyang pagbisita nitong Miyerkules sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad sa Mindanao lalo na sa Gensan at Saranggani ay may layunin na personal nitong makita angn sitwasyon at tiyaking maayos na naipatutupad ang relief at rehabilitation efforts.
Sa direktiba ng Pangulo, nagpatuloy ang mga ahensya ng pamahalaan sa pamamahagi ng relief goods, ayuda, at iba pang kinakailangang serbisyo para sa libu-libong pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol.













