-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng administrasyong Marcos ang patuloy na suporta nito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang mapanatili ang mga nakamit sa usapang pangkapayapaan at matugunan ang matagal nang hinaing ng mga mamamayan sa rehiyon.

Sa pahayag ni Executive Secretary Ralph Recto, kinilala niya ang makasaysayang pagbubukas ng unang halal na Bangsamoro Parliament bilang mahalagang hakbang sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at sariling pamamahala sa rehiyon.

Umaasa si Recto na magsisilbing institusyon ang bagong Parliament para sa kapayapaan, pag-unlad at kasaganaan ng Bangsamoro.

Binigyang-diin din niya na hindi naging madali ang proseso ng kapayapaan dahil kinailangan itong dumaan sa serye ng negosasyon, mga kompromiso at mabagal na pag-usad bago nakamit ang kasalukuyang tagumpay.

Ayon sa kalihim, naging posible ang pagkakaroon ng halal na Parliament dahil sa determinasyon ng mga opisyal ng Bangsamoro.

Dagdag pa niya, mahalagang maramdaman ng bawat pamilya sa rehiyon ang konkretong benepisyo ng demokrasya sa pamamagitan ng mas maayos na serbisyong publiko, disenteng kabuhayan at mas maraming oportunidad.

Layunin aniya ng pamahalaan na maisulong ang isang Bangsamoro na may matatag na kapayapaan, pantay na oportunidad sa kaunlaran at kalayaang mamuhay ang bawat mamamayan.