-- ADVERTISEMENT --

Pito na ang naitalang Pilipinong nasugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac.

Sa pinakahuling ulat, isa sa mga biktima ang nasa kritikal na kondisyon, habang dalawa ang nananatiling nasa intensive care unit (ICU). Apat naman ang nagtamo ng minor injuries at nakalabas na sa ospital.

Ayon kay Cacdac, patuloy na nakatutok ang DMW, Migrant Workers Office (MWO), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa kalagayan ng mga nasugatan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang mga ahensya sa mga pamilya ng mga biktima upang matiyak na maibibigay ang kinakailangang tulong at suporta sa gitna ng kanilang pagpapagaling.

Naganap ang insidente sa gitna ng tumitinding tensiyon sa rehiyon, kasunod ng mga pag-atakeng iniugnay sa Houthi rebels mula Yemen. Sa mga ulat ng international media, mahigit 300 katao ang nasugatan at mahigit isang dosena ang nasawi sa pag-atake sa paliparan noong Oktubre 10.

Nagresulta rin ang insidente sa kanselasyon at pagkaantala ng mga flight sa Riyadh, na nakaapekto sa mga biyahero.

Dahil dito, pinayuhan ng DMW ang mga Pilipino, partikular ang mga overseas Filipino workers (OFWs), na kumpirmahin muna sa kanilang mga airline ang iskedyul ng mga flight bago magtungo sa paliparan. Hinikayat din silang sumunod sa mga abiso at tagubilin ng mga lokal na awtoridad para sa kanilang kaligtasan.