-- ADVERTISEMENT --

Dumulog sa Korte Suprema si Vice President Sara Duterte upang kuwestiyunin ang tatlong bilang ng grave threat charges na isinampa laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ).

Sa kanyang Petition for Certiorari and Prohibition, hiniling ni Duterte na ipawalang-bisa ang resolusyon ng DOJ na nagrekomendang ituloy ang mga kaso. Hiningi rin niya ang pagpawalang-bisa sa desisyon ng Quezon City Regional Trial Court na nagbasura sa kanyang motion to quash, gayundin ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya.

Kasabay nito, hiniling ng kanyang kampo sa Supreme Court na pigilan muna ang prosekusyon at korte sa Quezon City sa anumang karagdagang hakbang kaugnay ng mga kaso.

Iginiit din sa petisyon ang pangangailangang linawin ng Korte Suprema ang saklaw ng procedural immunity ng isang nakaupong impeachable officer.

Agad namang naghain ang kanyang kampo ng mosyon para sa agarang pagresolba sa kanilang aplikasyon para sa Temporary Restraining Order (TRO), upang maiwasang mawalan ito ng saysay bago ang nakatakdang arraignment at pre-trial sa Setyembre 11.