-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas maraming pribadong ospital na makipagtulungan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para maisulong ang no co-payment policy at mabawasan ang direktang gastos ng mga pasyente.

Sa kanyang talumpati sa paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng PhilHealth at St. Luke’s Medical Center, sinabi ni Marcos na hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera sa pagkuha ng kinakailangang serbisyong medikal.

Ayon sa Pangulo, mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang maging mas abot-kaya at mas accessible ang healthcare services para sa mga Pilipino.

Kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Zero Balance Billing sa mga ospital ng Department of Health, pagbibigay ng medical assistance sa indigent patients, at patuloy na pagpapalawak ng mga benepisyo ng PhilHealth.

Nanawagan din si Marcos sa iba pang pribadong ospital na suportahan ang no co-payment policy upang mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga pasyente.

Binigyang-diin ng Pangulo na dapat matiyak na ang pangangailangan ng isang tao sa gamutan ay hindi mauwi sa problema sa pananalapi, lalo na para sa mga pamilyang kapos sa kita.