-- ADVERTISEMENT --

Lumabas sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nakatanggap siya ng compensation income mula sa Davao City government noong 2023, batay sa isinumiteng income at tax records sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa ika-36 na araw ng paglilitis, iniharap ni BIR Commissioner Chief of Staff Anne Loraine Garcia-Marquez ang BIR Form 2316 ni Duterte para sa taxable year 2023.

Ayon kay Garcia-Marquez, nakasaad sa dokumento na ang City Government of Davao ang employer ni Duterte at may compensation income siyang natanggap mula rito noong nasabing taon.

Pirmado ang dokumento ni Davao City accountant Vengeline Bahan at ni Duterte bilang empleyado, ayon sa testigo.

Nang tanungin ng private prosecutor kung ano ang ipinapakita ng dokumento, sinabi ni Garcia-Marquez na malinaw itong nagpapakita na tumanggap si Duterte ng compensation income mula sa Davao City government noong 2023.

Gayunman, tinutulan ng depensa ang pagtatangka ng prosekusyon na hingan ang testigo ng paliwanag kung bakit tumanggap ng compensation si Duterte mula sa isang local government habang nasa pambansang posisyon, dahil hindi umano saklaw ng kanyang testimonya ang legal na interpretasyon ng naturang usapin.

Kasunod nito, binasa sa pagdinig ang mga probisyon ng Konstitusyon hinggil sa pagbabawal sa Pangulo at Pangalawang Pangulo na humawak ng ibang posisyon o tumanggap ng emolument mula sa pamahalaan habang nasa termino.

Iniharap ang dokumento bilang bahagi ng ebidensiya ng prosekusyon kaugnay ng Article 2 ng impeachment complaint, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman at mga isyung may kaugnayan sa SALN ni Duterte.