May malinaw umanong motibo ang Grade 8 student ng Ateneo de Zamboanga University (AdZU) sa pagpasok sa paaralan bago ang naganap na pamamaril, ayon sa pulisya sa pagdinig ng Senado.
Sa Senate Committee on Women and Children hearing, sinabi ni Zamboanga City Police Director Police Colonel Fidel Fortaleza na kabilang sa pangunahing sinusuri ng mga imbestigador kung paano nakapasok sa campus ang estudyante habang may dalang dalawang lisensiyadong baril.
Batay sa paunang imbestigasyon, hindi umano dumaan ang estudyante sa pangunahing gate ng paaralan. Sa halip, ibinaba siya sa isang ramp area na karaniwang ginagamit ng persons with disability at mga estudyanteng may injury, kung saan mas kaunti ang security personnel.
Ayon kay AdZU Board of Trustees Chairman Pedro Rufo Soliven, nasa 25 security guards ang nakatalaga sa iba’t ibang entry point ng paaralan.
Pagpasok sa Junior High School building, umakyat ang estudyante sa fourth floor at nagpaputok sa Room 405 bago lumipat sa Room 404, kung saan nasawi ang isang schoolmate. Pagkatapos, umakyat siya sa fifth floor at doon nagpakamatay.
Sinabi ng pulisya na sinubukan siyang kausapin ng mga rumespondeng opisyal upang ibaba ang baril.
Patuloy naman ang forensic examination sa cellphone ng estudyante, habang iniimbestigahan din ang posibleng pananagutan ng kanyang ama, na may-ari ng isa sa mga baril.
Samantala, hindi pa makumpirma ng pamunuan ng AdZU ang mga ulat na may naunang banta laban sa paaralan. Ayon kay Soliven, patuloy nilang bineberipika ang mga impormasyon bago maglabas ng anumang pahayag.













