-- ADVERTISEMENT --

Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matapos ang kanyang termino sa 2028 na may naiwang mas matibay na kultura ng nation-building, patuloy na pag-unlad at mas mataas na tiwala ng publiko sa pamahalaan.

Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na hangad niyang magkaroon ng gobyernong aktibong nakikipagtulungan sa mamamayan at iba’t ibang sektor para sa pag-unlad ng bansa.

Kabilang sa kanyang mga layunin ang paglikha ng mas maraming trabaho at kabuhayan, pagpapatuloy ng economic growth at pagpapalakas ng partisipasyon ng Pilipinas sa pandaigdigang ekonomiya.

Binigyang-diin din niya ang papel ng local government units (LGUs) sa paghahatid ng serbisyo dahil mas nauunawaan umano ng mga ito ang pangangailangan ng kanilang mga komunidad.

Ayon sa Pangulo, mas napapalapit sa mamamayan ang pamahalaan kapag mas napalalakas ang mga lokal na pamahalaan.

Bagama’t hindi inaasahan ni Marcos na magiging perpekto ang kanyang pamamahala, umaasa siyang matatapos niya ang kanyang termino na may makabuluhang ambag sa pag-unlad at pagpapatatag ng bansa.