-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi ng House prosecution na na-coach si AMLC Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura bago humarap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, hindi na kailangan pang turuan si Buenaventura dahil eksperto at mahusay ito. Nagtapos si Buenaventura ng abogasya sa Bulacan State University noong 2015 at ika-10 sa Bar examinations sa parehong taon.

Umani ng tanong sa pagdinig ang ilang prosecution slides na kahawig ng mga halimbawang binanggit ni Buenaventura tungkol sa suspicious transactions. Kinuwestiyon ito ni defense lawyer Mark Vinluan, habang ipinaliwanag ni private prosecutor Mae Divinagracia na batay ang slides sa AMLC rules at reporting guidelines.

Kabilang sa mga red flag ang malalaki at madalas na cash withdrawals, mabilis na paglilipat ng pera, at paghahati ng malalaking transaksyon upang maiwasan ang reporting requirements.

Kinumpirma rin ni Buenaventura na tumugon ang AMLC sa subpoena para sa financial records na may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawang si Manases Carpio.