Nagbabala ang state weather bureau na ang trough ng Typhoon Dolphin ay nakaaapekto sa Batanes at Babuyan Islands, na maaaring magdulot ng flash flood at landslide dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Patuloy rin ang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat sa Occidental Mindoro, Zambales, Bataan, Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Central Luzon, CALABARZON, Oriental Mindoro, Antique, Zamboanga Peninsula at iba pang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Bagama’t nasa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR, patuloy na nakaaapekto sa hilagang bahagi ng bansa ang Typhoon Dolphin, na huling namataan sa layong 810 kilometro hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon.
Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 155 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugso na umaabot sa 190 kilometro kada oras. Kumikilos ito patungong timog-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa at patuloy na sumubaybay sa mga abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan.













