Kinakailangang mabigyan ng tamang pag-unawa ang usapin hinggil sa voting threshold para sa pag-convict kay Vice President Sara Duterte, partikular sa kung sinu-sinong senador ang dapat isama sa pagkukuwenta ng two-thirds vote.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Jasper Kent Perez, private lawyer, ipinaliwanag niya na ang pagpapatupad ng two-thirds vote ay hindi nangangahulugang awtomatikong ibinaba ang constitutional requirement. Ang sentro ng usapin ay kung sinu-sinong senador ang dapat isama sa bilang o denominator na pagbabatayan ng two-thirds vote.
Ito ay kasunod ng bagong ruling ng Senate Impeachment Court na nananatili ang two-thirds requirement, ngunit ang pagkukuwenta nito ay ibabatay sa mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa oras ng final voting.
Ayon kay Perez, normal lamang na magkaroon ng magkakaibang interpretasyon ang mga abogado, dating Chief Justice at mga amici curiae hinggil sa mga probisyon ng Konstitusyon.
Aniya, maaari pa itong mabigyan ng mas malinaw na interpretasyon at legal na pagpapaliwanag sa pamamagitan ng Supreme Court bilang pinakamataas na hukuman sa bansa.
Samantala, binigyang-diin din ni Perez na kinakailangang maging independent at tapat ang bawat senador dahil sa kanilang panunumpa bilang senator-judges sa impeachment court.
Aniya, dapat ibatay ng mga senator-judge ang kanilang magiging boto sa mga ebidensya at argumentong iniharap sa impeachment proceedings at hindi sa personal o political na interes.
Dagdag pa niya, walang permanente sa pulitika kaya maaaring bumoto ang isang senator-judge para sa conviction o acquittal ng isang impeachable officer, depende sa kanilang pagsusuri sa kaso.
Para kay Perez, upang maging patas at kapani-paniwala ang proseso, hindi lamang sa loob ng impeachment court sa halip maging sa paningin ng publiko, mahalagang aktibong dumalo at makilahok ang mga senator-judge sa impeachment proceedings bilang bahagi ng kanilang tungkulin at responsibilidad bilang mga senador.













