Arestado ang tatlong indibidwal, kabilang ang dalawang menor de edad matapos umanong magpakalat ng mga post at video clips na naglalaman ng mga banta sa social media.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., sinabi nito dalawa sa mga naaresto ay 16-anyos na nahuli sa Barangay Lamian, Surallah, habang isang 18-anyos naman ang naaresto sa bayan ng Tupi.
Sinabi ni Tamayo na kasalukuyang naka-detain ang tatlo at tiniyak niyang isasailalim sila sa kaukulang proseso at posibleng pagsasampa ng kaso batay sa resulta ng imbestigasyon.
Bukod sa mga suspek, sinusuri rin umano ng mga awtoridad kung maaari ring managot ang kanilang mga magulang, lalo na sa kaso ng isang menor de edad na nag-post umano sa social media na may hawak na baril.
Dahil dito, nagbabala si Tamayo sa mga indibidwal na gumagamit ng social media na seryosong pananagutan ang paggawa at pagpapakalat ng mga content na naglalaman ng pagbabanta o pananakot.
Hinimok din ng gobernador ang mga magulang na masusing bantayan ang online activities ng kanilang mga anak upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa kanilang kapwa at paglabag sa batas.













