-- ADVERTISEMENT --

BANGA, SOUTH COTABATO — Tatlo na ang kumpirmadong nasawi habang 10 iba pa ang sugatan sa naganap na pamamaril sa Banga National High School sa Banga, South Cotabato, pasado ala-1 ng hapon nitong Biyernes, Setyembre 18, 2026.

Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kabilang sa mga sugatan ang isang kritikal ang kondisyon na kasalukuyang ginagamot sa SOCCSKSARGEN General Hospital. Ang iba pang mga sugatan ay dinala sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City.

Kabilang sa tatlong nasawi ang suspek na isang Grade 9 student.

LATEST CASUALTY TALLY:
🔴 3 patay
�� 10 sugatan
⚠️ 1 kritikal — ginagamot sa SOCCSKSARGEN General Hospital

Samantala, sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Banga Mayor Boyet Palencia, sinabi nitong lumabas umano sa paunang imbestigasyon ng pulisya na sapilitang kinuha ng suspek ang baril ng kanyang magulang mula sa vault ng kanilang bahay bago ito dinala sa paaralan.

Binanggit din ng alkalde na umano’y sangkot ang suspek sa isang online “True Crime Community,” ngunit sinabi niyang patuloy pa itong bineberipika ng mga awtoridad.

Ayon pa kay Mayor Palencia, isa rin sa mga tinitingnang posibleng dahilan sa insidente ang pagkadismaya umano ng suspek sa mababang grado na nakuha nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at iba pang posibleng motibo sa pamamaril.

Samantala, agad na idineklara anbg suspension of classes sa lahat ng paaralan pribado at pampubliko sa bayan ng Banga dahil sa pangyayari.