-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan ng National Bureau of Investigation (NBI) na makumpleto sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo ang imbestigasyon nito sa umano’y mga iregularidad kaugnay ng pagdaraos ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, mayroon nang sapat na ebidensiya ang ahensya kaya target nilang magsampa ng kaukulang kaso sa loob ng itinakdang panahon.

Bahagi ng imbestigasyon ang pagpapatawag sa pitong dating opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), kabilang sina dating chairman Ramon “Tats” Suzara, dating chief financial officer Dexter Estacio, at corporate secretary John Lester Buenconsejo. Gayunman, mga abogado lamang ng mga ito ang humarap sa NBI sa itinakdang pagdinig noong Lunes.

Nauna nang ibinunyag ni Matibag na tumanggap ang PHISGOC ng humigit-kumulang ₱6.7 bilyon mula sa pondo ng pamahalaan, kabilang ang mula sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), at Department of Budget and Management (DBM) para sa pagho-host ng 2019 SEA Games.

Kapag isinama ang mga pondong nagmula sa pribadong sektor, tinatayang lumampas sa ₱10 bilyon ang kabuuang pondo ng organizing committee.

Samantala, sinabi ng NBI na maaari ring maisyuhan ng subpoena si Senador Allan Peter Cayetano kung mababanggit ang kanyang pangalan ng mga dating opisyal ng PHISGOC sa nagpapatuloy na imbestigasyon.