-- ADVERTISEMENT --

Nakahanda na ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko ngayong Undas 2026, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kabilang sa mga inihandang hakbang ang pagkumpleto sa mga kinukumpuning pangunahing kalsada, pagbibigay ng special permit sa mahigit 1,000 bus, at pagpapaluwag ng MARINA sa mga regulasyon ng pampasaherong barko upang madagdagan ang kapasidad ng mga biyahe.

Inatasan din ng Pangulo ang Bureau of Immigration (BI) na magtalaga ng sapat na tauhan at panatilihing bukas ang lahat ng immigration counter hanggang Nobyembre 3 upang maiwasan ang mahabang pila.

Samantala, magpapakalat ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga traffic personnel, partikular sa paligid ng mga sementeryo, habang paiigtingin naman ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa mga matataong lugar.

Hinimok ni Marcos ang mga biyahero na agahan ang pagpunta sa mga terminal at sumunod sa mga patakaran upang maiwasan ang abala at matiyak ang ligtas na pag-uwi sa kani-kanilang lalawigan ngayong Undas.