KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang beripikasyon at assessment ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAG) sa mga may-ari ng fish cage na naapektuhan ng fish kill sa bayan ng Lake Sebu upang maproseso ang kanilang financial assistance mula sa Local Government Unit o LGU.
Ayon sa LGU Lake Sebu, umabot na sa 13.5 metric tons ng tilapia ang isinailalim sa emergency harvest matapos muling tamaan ng fish kill ang ilang fish cage sa bayan. Sa pinakahuling tala, tatlong barangay na ang apektado ng insidente.
Kabilang sa mga naapektuhan ang mga fish cage sa Purok Lot 70 at Isla Grande sa Barangay Poblacion, gayundin ang ilang fish cage sa Barangay Bacdulong at Barangay T’Kunil.
Ayon pa sa LGU, apat na fish cage ang tuluyang naapektuhan matapos mamatay ang lahat ng alagang isda kaya’t hindi na ito naisama sa isinagawang emergency harvest.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang validation at assessment ng OMAG sa bawat apektadong fish cage owner upang mapabilis ang pagproseso ng kanilang maaaring matanggap na ayudang pinansyal mula sa lokal na pamahalaan.













