-- ADVERTISEMENT --

Muling uminit ang palitan ng pahayag sa pagitan ng mga opisyal ng China at Pilipinas kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng arbitral ruling kaugnay ng West Philippine Sea.

Inakusahan ni Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei si Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela at iba pang opisyal na umano’y nagpapalala sa relasyon ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling impormasyon at pag-uudyok ng alitan.

Ayon kay Guo, mas magiging maayos umano ang ugnayan ng Beijing at Maynila kung wala ang mga opisyal na aniya’y naglalabas ng mapanirang pahayag laban sa China.

Ang naturang komento ay inilabas kasabay ng paggunita ng Pilipinas sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016, na nagpawalang-bisa sa nine-dash line claim ng China at kumilala sa mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone nito.

Bilang tugon, sinabi ni Tarriela na higit na mapapabuti ang relasyon ng dalawang bansa kung igagalang ng China ang international law at ititigil ang umano’y pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino, gayundin sa mga barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Iginiit din ni Tarriela na dapat talikuran ng China ang mga inaangkin nitong teritoryo na aniya’y labag sa pandaigdigang batas at igalang ang mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea upang magkaroon ng mas maayos na ugnayan ang dalawang bansa.