-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga opisyal ng pamahalaan na ituon ang kanilang pansin sa pagpapabuti ng kalagayan ng bansa sa halip na sa pulitika.

Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-65 Patronal Fiesta sa Hinatuan, Surigao del Sur, sinabi ng Bise Presidente na matagal nang naghihintay ang mga Pilipino ng mas maayos na pamumuhay. Aniya, mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang paglikha ng trabaho, pagpapalakas ng kabuhayan, at paghahatid ng dekalidad na serbisyo sa mga komunidad.

Binigyang-diin din ni Duterte ang kahalagahan ng pagsusulong ng “kalinaw ug kalambuan” o kapayapaan at kaunlaran bilang pangunahing layunin ng mga pinuno ng pamahalaan. Hinimok din niya ang mga magulang na patuloy na suportahan ang kanilang pamilya at ang mga kabataan na tapusin ang kanilang pag-aaral at maging disiplinado.

Kasabay ng panawagang ito, nagpapatuloy ang impeachment trial laban sa Bise Presidente sa Senado. Kabilang sa mga reklamong kinakaharap niya ang umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, hindi maipaliwanag na yaman, katiwalian, at mga banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Patuloy namang itinatanggi ng kampo ni Duterte ang lahat ng alegasyon at iginiit na wala umanong sapat na batayan ang mga paratang. Upang mapatalsik sa puwesto ang Bise Presidente, kinakailangan ang boto ng hindi bababa sa 16 sa 24 na senador.