Isinusulong ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Representative Ferdinand “Dinand” Hernandez ang isang mahalagang hakbang upang protektahan ang kaligtasan at mental na kalusugan ng mga kabataan, partikular ang pagbabawal o pag-ban sa mga menor de edad na may edad 16 pababa na gumamit ng mga social media platform.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Cong. Dinand, ipinahayag niya na kailangan nang seryosohin ng mga mambabatas sa Kongreso ang pagpapabilis sa pagpapasa ng hagna o panukalang-batas na magbabawal sa paggamit ng social media sa mga kabataan.
Ayon sa mambabatas, hindi na maaaring manatili sa kawalan ng aksyon dahil marami na ang mga buhay na nasawi, naapektuhan, at nawalan ng direksyon dahil sa masasamang epekto at impluwensya ng digital world at mga online platform.
Dahil dito, nanawagan si Cong. Hernandez sa kanyang mga kapwa mambabatas at sa publiko na suportahan ang kanyang hakbang upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na lumaki na ligtas sa pisikal at mental na aspeto, malayo sa mapaminsalang epekto ng modernong teknolohiya.












