-- ADVERTISEMENT --

Sa kabuuan, inilarawan ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na generally peaceful at normal ang sitwasyon sa karamihan ng mga lugar sa Western Mindanao Region habang papalapit sa pagtatapos ang botohan para sa parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Ayon kay LTC Ronald Suscano, spokesperson ng 6th Infantry Division, dalawang lugar lamang ang isinailalim sa COMELEC control dahil sa security concerns—ang Cotabato City at bahagi ng Basilan Province.

Sa iba pang lugar, kabilang ang Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at Special Geographic Area, iniulat na normal ang sitwasyon, bagama’t may ilang isolated tensions at commotions na naganap.

Sa Cotabato City at Shariff Saydona Mustapha, may mga insidente ng komprontasyon sa pagitan ng ilang supporters matapos ang botohan, kabilang ang mga ulat ng sporadic na pagpapaputok at pagkakasangkot ng mga armas.

May mga casualty rin na iniulat sa ilang barangay sa Cotabato City, kabilang ang tatlong nasawi at 15 nasugatan sa magkakahiwalay na insidente. Sa Cotabato City Central Pilot School naman, isang police officer ang kabilang sa tatlong nasugatan sa isang insidenteng naganap mismo sa loob ng paaralan.

Gayunman, nilinaw ni Suscano na nagpapatuloy ang security operations at wala pang kumpirmasyon ang 6ID kung anong grupo ang responsable sa mga insidenteng naitala.

Ipinaliwanag din ng opisyal na ang presensya ng mga armored at mechanized assets ng militar ay hindi dapat ituring na pagpapakita ng pagkiling o pagtatangkang palalain ang tensyon, kundi bahagi ng contingency preparations ng pamahalaan.

Ayon kay Suscano, kailangang maging handa ang security forces sa anumang posibleng sitwasyon upang maprotektahan ang mga botante at maiwasan ang mga pangyayaring maaaring humantong sa failure of election.

Isa rin sa pangunahing tinututukan ng militar ang ligtas na transportasyon ng mga election paraphernalia mula sa iba’t ibang bahagi ng BARMM patungo sa Awang area, na inihanda bilang lugar para sa susunod na proseso ng canvassing.

Inaasahan ng 6ID na magsisimula ang canvassing alas-7 ng gabi, habang umaasa ang militar na magiging maayos ang proseso hanggang sa proclamation ng mga nanalong kandidato.

Samantala, may naiulat ding engkwentro sa T’boli, South Cotabato, na nasa labas ng BARMM. Ayon kay Suscano, nakatanggap sila ng ulat hinggil sa engkwentro sa pagitan ng government forces at mga pinaniniwalaang remnants ng New People’s Army, ngunit wala pa siyang kumpletong detalye tungkol sa naging resulta ng insidente.

Sa kanyang mensahe sa publiko, pinasalamatan ni Suscano ang mga botante at security personnel sa generally peaceful na pagdaraos ng halalan at nagpahayag ng pag-asang matatapos nang maayos ang canvassing upang makabalik na sa normal na kalagayan ang mga komunidad.