Hindi awtomatikong iaakyat ng depensa ni Vice President Sara Duterte sa Supreme Court ang mga isyung lumilitaw sa impeachment proceedings, ayon kay Atty. Michael Wesley Poa.
Ipinaliwanag ni Poa na sinusuri muna ng kanilang legal team kung ang isang usapin ay justiciable o maaaring resolbahin ng Supreme Court, gayundin kung ito ay ripe o nasa tamang yugto na para aksyunan ng korte.
Aniya, case-to-case ang magiging desisyon ng depensa at nakadepende ito sa kanilang assessment kung kinakailangan at may sapat na legal na basehan para humingi ng intervention ng Supreme Court.
Binigyang-diin din ni Poa na hindi nila layuning gamitin ang paglapit sa Supreme Court upang guluhin o maantala ang impeachment proceedings.
Aniya, nais din nilang iwasang dagdagan ang workload ng Korte Suprema sa pamamagitan ng pagdadala ng mga usaping wala pang sapat na batayan para sa judicial intervention.













