Dalawang mahalagang usapin ang pagtutuunan ng House Prosecution panel sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte—ang tamang bilang para sa 2/3 vote threshold at ang pagharap ni Davao City Mayor Baste Duterte bilang subpoenaed witness.
Nakatakdang magsagawa ng oral arguments ang Senate Impeachment Court sa susunod na linggo upang talakayin kung paano dapat kwentahin ang kinakailangang dalawang-katlo ng boto para sa mga desisyong saklaw ng impeachment proceedings.
Inimbita rin ang mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema upang magbigay ng kanilang pananaw sa usapin, kabilang ang tanong kung dapat bang ibatay ang denominator sa kabuuang 24 na miyembro ng Senado o sa mga senador na aktibong lumalahok sa paglilitis.
Ayon kay Atty. Hez Montalan, Deputy Spokesperson ng House Prosecution panel, pinag-aaralan ng kanilang legal team ang mga kaugnay na batas at jurisprudence na kanilang ihaharap sa impeachment court.
Posisyon ng prosecution na dapat baguhin ang denominator at isaalang-alang lamang ang mga aktibong nakikibahagi sa trial. Gayunman, sinabi ng panel na igagalang nito ang magiging pinal na pasya ng impeachment court sa usapin.
Samantala, iginiit ng House panel ang kahalagahan ng pagharap ni Davao City Mayor Baste Duterte matapos aprubahan ng impeachment court ang pagpapadala ng subpoena para sa kanyang pagdalo sa susunod na linggo.
Layunin umano ng pagdinig na linawin ang mga rekord ng negosyo ng Bise Presidente na nasa ilalim ng Office of the City Mayor.
Binigyang-diin ng panel na ang pagpapatawag kay Mayor Duterte ay nakabatay sa kanyang opisyal na kapasidad at sa mga rekord na maaaring may kaugnayan sa paglilitis, at hindi sa kanyang relasyon bilang kapatid ng Bise Presidente.













