Itataas sa full alert status ang buong National Capital Region (NCR) simula Lunes kasabay ng pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMGen. Anthony Aberin na magmumula ito sa kasalukuyang heightened alert status matapos ang serye ng kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ayon sa NCRPO, naging mapayapa sa kabuuan ang mga pagtitipon ng INC, at wala ring naitalang malubhang insidente o aksidente matapos ilipat ang protesta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Samantala, nakahanda na rin ang Philippine National Police (PNP) sa pagbubukas ng impeachment trial, kung saan magde-deploy ito ng humigit-kumulang 6,000 pulis sa paligid ng Senado upang tiyakin ang kaayusan at seguridad.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co na inatasan ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng pulis na manatiling propesyonal, walang kinikilingan, at nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan habang iginagalang ang karapatan ng publiko.
Binigyang-diin ng PNP na bahagi lamang ng kanilang regular na security assessment ang pagtataas ng alert status upang matiyak ang sapat na seguridad sa panahon ng impeachment proceedings.













