Kinuwestiyon ni Senator-judge Robin Padilla kung bakit patuloy na nababanggit sa impeachment trial ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga bank records na inilalahad sa Senado.
Sa pagtatanong kay BPI witness Marwin Galvez, sinabi ni Padilla na ilang beses nang nabanggit sa pagdinig ang pangalan ng dating pangulo, na kapwa may joint account kay Vice President Sara Duterte.
Nauna nang kinumpirma ni Galvez ang pagkakaroon ng joint bank account nina Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Duterte.
Ayon sa testimonya, may dalawang time deposit sa ilalim ng naturang joint account na umabot sa kabuuang P96 milyon, isang P41-milyong time deposit noong 2010 at isa pang P55 milyon na kalaunan ay na-convert sa manager’s check.













