KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang damage assessment ng Office of Civil Defense (OCD) XII sa mga lugar sa rehiyon dose na naapektuhan ng baha at landslide matapos na bumuhos ang malakas na ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay OCD 12 Information Officer Anne Santos, sinabi nito na naiulat sa kanilang tanggapan ang nangyaring flash flood at landslide sa Barangay Landan at Maligo sa bayan ng Polomolok, South Cotabato kung saan umapaw ang mga ilog at kanal na nagdulot ng pagbaha sa mga kabahayan at pagpasok ng tubig sa ilang pangunahing kalsada.
Dahil dito, may ilang pamilya ang pansamantalang inilikas sa mga evacuation centers para sa kanilang kaligtasan.
Sa kasagsagan ng pagbaha, nakunan ng video ng isang residente sa Alamada, Cotabato Province, ang ginawang pagsakay sa mga kalabaw ng ilang estudyante upang ligtas na makatawid sa rumaragasang ilog na lumakas dahil sa walang tigil na ulan.
Samantala, may naitalang landslide sa ilang bahagi ng lalawigan ng South Cotabato, partikular sa mga lugar na matatarik at apektado ng tuloy-tuloy na pag-ulan. May ilang sasakyan at ari-arian ang bahagyang naapektuhan, ngunit wala namang naiulat na nasawi o malubhang nasugatan.
Patuloy ang damage assessment ng OCD XII sa mga apektadong lugar habang nagpapatuloy ang monitoring sa lagay ng panahon at lebel ng tubig sa mga ilog.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling alerto, iwasan ang mga delikadong lugar, at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan.













