Kinumpirma ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Atty. Ronel Buenaventura sa impeachment trial na may joint bank account sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte na lumitaw sa isang fund transfer transaction na sinusuri ng prosecution.
Sa pagtatanong ni private prosecutor Atty. Mae Divinagracia, hiniling kay Buenaventura na tukuyin kung sinu-sino ang mga account holder na nakalista sa mga dokumentong iniharap sa Senado.
Ayon kay Buenaventura, ang unang account na tinukoy sa naturang dokumento ay parehong nakapangalan kina Rodrigo Duterte at Sara Duterte at itinuturing na joint account.
Bukod dito, sinabi ng AMLC executive na kapwa pangalan nina dating Pangulong Duterte at Vice President Duterte ang makikita sa iba pang account na bahagi ng financial records na tinatalakay sa pagdinig.
Ang testimonya ay bahagi ng presentasyon ng House prosecution sa mga financial records na nais nilang gamitin bilang ebidensiya sa impeachment case laban kay Vice President Duterte.
Patuloy na sinusuri sa paglilitis ang mga fund transfer at iba pang financial transactions na nakapaloob sa mga rekord ng AMLC, habang tinatanong ng prosecution ang mga detalye ng mga account at mga taong nakapangalan dito.












