-- ADVERTISEMENT --

Mariing nagpahayag ng pagtutol ang isang abogado sa mga panukalang ibaba ang edad ng criminal liability, kasunod ng mga diskusyon hinggil sa mga menor de edad na sangkot sa krimen.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. RJ Sustiguer, Presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) South Cotabato-General Santos Chapter, iginiit nito na mas mahalagang palakasin ang mga programa sa paggabay, edukasyon, at rehabilitasyon ng kabataan kaysa patawan sila ng mas mabigat na kriminal na pananagutan sa murang edad.

Ayon kay Sustiguer, sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ang mga menor de edad na may edad 15 hanggang 18 at nakapagpakita ng discernment o pag-unawa sa kanilang ginawang krimen—lalo na kung ito ay pinagplanuhan—ay hindi awtomatikong exempted sa pananagutang legal.

Ipinaliwanag din niya na umiiral sa batas ang prinsipyo ng restorative justice na nakatuon sa rehabilitasyon, pagbabago ng asal, at pagbabalik ng kabataan bilang produktibong miyembro ng lipunan. Dahil dito, aniya, naiiba ang pagtingin ng sistema sa mga Children in Conflict with the Law (CICL) kumpara sa mga nasa hustong gulang, dahil kinikilala na hindi pa ganap ang kanilang emosyonal at mental na maturity.

Dagdag pa niya, kinikilala ng batas na ang mga menor de edad ay nangangailangan pa ng gabay, disiplina, at suporta mula sa kanilang pamilya at komunidad.

Sa ilalim ng umiiral na proseso, matapos ang rehabilitasyon ay isinasagawa ang assessment at rekomendasyon ng mga social worker at iba pang eksperto upang matukoy kung may positibong pagbabago sa asal ng kabataan o kung kailangan pa ng karagdagang interbensyon.

Ayon pa kay Sustiguer, bahagi ng sistema ang Bahay Pag-asa at mga kaukulang intervention program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa rehabilitasyon ng mga CICL, kung saan maaaring ibalik sa pangangalaga ng mga magulang ang menor de edad matapos ang proseso, o manatili kung kinakailangan pa ng gabay.

Binigyang-diin din niya na dapat may pananagutan din ang mga magulang, dahil malaki ang impluwensya ng kanilang pag-aaruga, pagdidisiplina, at halimbawa sa paghubog ng asal ng kanilang mga anak.