Umabot na sa 14 na lokal na pamahalaan sa Mindanao ang nagdeklara ng state of calamity kasunod ng mapaminsalang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa rehiyon noong Hunyo 8, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Kabilang sa mga nagdeklara ng state of calamity ang ilang bayan at lungsod sa Davao Occidental, Sarangani, at South Cotabato na kabilang sa mga lugar na pinakamatinding naapektuhan ng lindol.
Sa ilalim ng deklarasyon, mas mapapabilis ang pagkuha at pamamahagi ng relief goods, emergency supplies, at iba pang kinakailangang ayuda para sa mga apektadong residente. Awtomatiko ring umiiral ang price freeze sa mga pangunahing bilihin upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo habang nagpapatuloy ang pagbangon mula sa sakuna.
Batay sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 176,000 pamilya o higit 736,000 katao ang naapektuhan ng lindol. Umabot na rin sa 65 ang kumpirmadong nasawi.
Malaki rin ang naging pinsala sa imprastraktura at pabahay, kung saan mahigit 57,000 bahay ang napinsala at higit sa 10,000 dito ang tuluyang nawasak.
Ayon sa OCD, isa sa mga pangunahing hamon ngayon ang mabilis na pagpapatayo ng mga nasirang tahanan at ang pagtukoy kung ligtas pa bang tirhan ang ilang komunidad na naapektuhan ng pagguho ng lupa at iba pang geologic hazards.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Mines and Geosciences Bureau upang magsagawa ng masusing pagsusuri sa mga apektadong lugar at matukoy kung kinakailangan nang ilipat ang ilang residente sa mas ligtas at permanenteng relocation sites.













