Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa mga posibleng nawawalang pasahero matapos lumubog ang isang bangka sa Lake Tanganyika sa Democratic Republic of the Congo (DR Congo), kung saan hindi bababa sa 41 katao ang kumpirmadong nasawi.
Aabot naman sa 49 ang nailigtas matapos ang insidente na naganap malapit sa nayon ng Mapera, ayon kay Tanganyika provincial transport minister Norris Mulongoyi.
Tinatayang nasa 100 katao ang sakay ng bangka, kabilang ang mga kargamento, nang bumiyahe ito mula Kigoma port sa Tanzania patungong Kalemie sa DR Congo.
Batay sa salaysay ng isang nakaligtas, bandang ala-una ng madaling araw nang mapansin ng mga pasahero na unti-unting nakatagilid ang bangka. Hindi nagtagal ay tuluyan itong tumaob at lumubog.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad para hanapin ang iba pang posibleng nakaligtas at matukoy ang kabuuang bilang ng mga pasaherong sakay.
Hindi pa rin malinaw kung ano ang naging sanhi ng insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Samantala, napansin din ng mga awtoridad ang dalas ng insidente sa naturang ruta. Ito na umano ang ikalawang insidenteng may kinalaman sa bangka sa rutang Kigoma-Kalemie sa loob lamang ng isang buwan.
Patuloy namang nakatutok ang mga rescue team sa paghahanap sa mga nawawala habang kinokolekta ang iba pang impormasyon tungkol sa insidente.













