-- ADVERTISEMENT --

Magpapakalat ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit 240,000 manggagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang bahagi ng paghahanda para sa pagbubukas ng `School Year 2026-`2027.

Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, magsisimula ang deployment sa Hunyo 1, isang linggo bago ang nakatakdang pagbubukas ng klase, upang matiyak na handa ang mga paaralan sa pagdating ng mga estudyante.

Sasaklawin ng programa ang humigit-kumulang 5,000 paaralan kung saan tutulong ang mga manggagawa sa paglilinis ng mga silid-aralan at bakuran, pagkukumpuni ng mga pasilidad at kagamitan, pagpipintura, at iba pang gawaing kinakailangan upang maging maayos at ligtas ang kapaligiran ng mga mag-aaral.

Isasagawa ang programa sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced Workers (TUPAD), habang pangungunahan naman ng Department of Education (DepEd) ang koordinasyon at pagtatalaga ng mga manggagawa sa mga paaralan.

Ayon kay Tolentino, doble ang benepisyong hatid ng inisyatiba dahil bukod sa matutulungan ang mga paaralan sa kanilang paghahanda para sa pagbubukas ng klase, magkakaroon din ng pansamantalang pagkakakitaan ang libu-libong benepisyaryo ng TUPAD sa panahon ng kanilang deployment.

Ang mga manggagawa ay magsasagawa ng kanilang mga tungkulin sa ilalim ng pangangasiwa ng school management upang matiyak na maayos at episyente ang pagpapatupad ng programa.