Iginiit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na dapat manaig ang boto at hindi karahasan sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kasunod ito ng mga ulat ng gun violence at tensyon bago ang halalan, na aniya’y hindi dapat makasagabal sa malaya at patas na pagpili ng mga kinatawan ng mamamayan.
Hinimok ni Pangilinan ang COMELEC, PNP, AFP, mga kandidato, lokal na opisyal, community at religious leaders, dating combatants at mga botante na tiyaking mapayapa at kapani-paniwala ang halalan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng neutral ngunit sapat na seguridad upang maprotektahan ang mga botante nang hindi sila matakot na lumabas at bumoto.
Ayon sa senador, makasaysayan ang halalan dahil pagkakataon itong palawakin ang representasyon ng kababaihan, katutubo at iba’t ibang sektor sa Bangsamoro.
“Sapat na ang dugong dumanak,” ani Pangilinan, habang nanawagan na ang kinabukasan ng rehiyon ay itayo sa kapayapaan, trabaho, edukasyon at pag-unlad, hindi sa armas.













