Nagkainitan sina Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah “Eli” San Fernando at DOLE Secretary Francis Tolentino sa deliberasyon sa 2027 budget ng ahensya kaugnay ng pagkaantala sa pagpapatupad ng wage increase para sa minimum wage earners sa NCR.
Iginiit ni San Fernando na walang bisa ang preliminary injunction ng Pasig RTC Branch 152 hangga’t hindi naipapasa ng mga petitioner ang ₱10-bilyong bond na itinakda ng korte. Aniya, wala umanong legal na batayan ang DOLE para ipatigil ang wage hike.
Binigyang-diin din niya ang RA 6727 o Wage Rationalization Act, na nagbibigay sa RTWPBs ng kapangyarihang magtakda ng sahod at naglilimita sa injunction ng regular courts laban sa wage orders.
Depensa naman ni Tolentino, sumusunod lamang ang DOLE sa umiiral na proseso ng batas at hindi nito sariling desisyon ang pagsususpinde sa wage hike. Naghain na rin umano ang ahensya, sa pamamagitan ng OSG, ng petisyon upang kuwestiyunin ang RTC order.
Iginiit ni Tolentino na nauunawaan ng DOLE ang pangangailangan ng mga manggagawa sa mas mataas na sahod at nararapat lamang nilang matanggap ang umentong itinakda para sa kanila.
Sa gitna ng mainit na talakayan, iminungkahi ni San Fernando na i-defer ang 2027 budget ng DOLE dahil umano sa kabiguan nitong ipaglaban ang wage increase. Gayunman, ibinasura ang mosyon matapos makakuha lamang ito ng 7 boto pabor kumpara sa 31 tutol.













