Pinangunahan ng Commission on Elections (Comelec) ang final testing and sealing ng automated counting machines sa Mindanao bilang bahagi ng paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Personal na dumalo si Comelec Chairman George Garcia sa pagsusuri at pagseselyo ng mga makina sa Cotabato City Institute sa Cotabato City, na kabilang sa mga itinalagang polling centers.
Layunin ng proseso na matiyak na gumagana nang maayos ang mga voting machine at handa ang mga ito para sa ligtas, maayos, at tapat na halalan sa Setyembre 14.
Sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, nakaabang naman ang mga tauhan ng pulisya sa Dalican Pilot Elementary School para sa pagdating at pag-iingat ng mga gagamiting makina.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, 16 na silid-aralan ang gagawing polling places, na bawat isa ay magkakaroon ng tig-iisang automated counting machine.
Samantala, itinaas na ng Philippine National Police sa full alert status ang buong BARMM bilang bahagi ng seguridad para sa makasaysayang halalan sa rehiyon.













