Patuloy na nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa ang Ischemic Heart Disease, ayon sa pinakahuling provisional report ng Philippine Statistics Authority o PSA para sa taong 2025.
Batay sa datos ng PSA, umabot sa 111,896 ang naitalang nasawi dahil sa ischemic heart diseases mula Enero hanggang Nobyembre 2025, na bumubuo sa halos 19.7% ng kabuuang bilang ng mga namatay sa bansa sa nasabing panahon.
Ayon sa National Institutes of Health o NIH, nangyayari ang ischemic heart disease kapag hindi sapat ang suplay ng dugo at oxygen na dumadaloy sa kalamnan ng puso, kadalasang dulot ng pagbabara sa coronary arteries dahil sa fatty plaque buildup.
Pumangalawa naman sa listahan ang Neoplasm o mga uri ng tumor at cancer, na nagtala ng 64,864 na pagkamatay o 11.4% ng kabuuang mortality cases.
Ipinaliwanag ng NIH na ang neoplasm ay abnormal na paglaki o pagdami ng mga selula na maaaring humantong sa pagbuo ng tumor kapag hindi namamatay ang cells sa tamang proseso.
Pangatlo naman ang Cerebrovascular Disease na may 55,756 kaso o 9.8% ng total deaths sa bansa.
Ayon sa American Association of Neurological Surgeons, kabilang sa cerebrovascular diseases ang stroke, aneurysm, stenosis, at iba pang kondisyon na may kinalaman sa mga ugat sa utak.
Nanatiling pareho ang top three causes of death kumpara sa datos noong 2024, ayon sa PSA.
Samantala, pumang-apat sa listahan ang Pneumonia na may 38,607 na pagkamatay o 6.8%, habang panglima naman ang Diabetes Mellitus na may 34,611 kaso o 6.1%.
Ipinaliwanag ng World Health Organization na ang pneumonia ay acute respiratory infection na maaaring dulot ng bacteria o virus, habang ang diabetes mellitus ay isang chronic metabolic disease na may mataas na blood sugar levels.
Nilinaw ng PSA na provisional pa lamang ang datos dahil saklaw nito ang mga naitalang pagkamatay mula Enero hanggang Nobyembre 2025 na na-proseso hanggang Marso 31, 2026, at maaari pa itong mabago sa final report na ilalabas sa Enero 2027.













