-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Ipinasiguro ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo 8, 2026.

Personal na nagtungo si Dizon sa General Santos City upang inspeksyunin ang mga imprastrakturang napinsala at naapektuhan ng lindol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Dizon na personal na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang inspeksyon sa mga pasilidad na naapektuhan ng lindol, gayundin ang pagsasagawa ng kinakailangang pagkukumpuni at rehabilitasyon.

Kabilang sa mga prayoridad ng DPWH ang mga ospital, paaralan at iba pang mahahalagang pampublikong pasilidad na napinsala ng lindol upang matiyak ang kaligtasan ng mga gagamit nito at maibalik ang kanilang operasyon sa lalong madaling panahon.

Inihayag din ni Dizon ang kanyang pagkatuwa matapos makumpleto ang pagkukumpuni sa ilang pasilidad sa loob lamang ng isang buwan. Aniya, ipinapakita nito ang mabilis na pagtugon at koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.

Samantala, tiniyak ng kalihim na magpapatuloy ang monitoring ng DPWH sa kondisyon ng mga imprastraktura sa rehiyon upang agad na matukoy ang mga pasilidad na nangangailangan pa ng pagkukumpuni o rehabilitasyon.

Binigyang-diin din ni Dizon na magpapatuloy ang mga hakbang ng pamahalaan upang mapabilis ang pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan ng lindol at matulungan silang makabalik sa normal na pamumuhay.