-- ADVERTISEMENT --

Uminit ang talakayan sa Senado matapos kwestyunin ng minority bloc ang umano’y pagmamadali sa pag-amyenda ng mga alituntunin ng Mataas na Kapulungan, partikular ang panukalang magpapahintulot ng remote o online participation ng mga senador sa sesyon.

Sa isang joint statement, iginiit ng minorya na tila minadali ang proseso at hindi nabigyan ng sapat na pagkakataon ang lahat ng senador na makapagpahayag ng kanilang panig. Anila, dapat ay dumaan ito sa mas malawak at masusing deliberasyon sa halip na ipilit sa ilalim ng tinawag nilang dominasyon ng mayorya.

Kasunod ng mainit na pagtatalo, nag-walkout ang minority bloc noong Martes, Mayo 26. Dahil dito, hindi nakabuo ng quorum ang plenaryo kaya hindi naituloy ang pagtalakay sa panukalang pagbabago sa rules.

Ang panukala ay inihain ni Senador Rodante Marcoleta noong Mayo 11 at layuning payagan ang mga “justifiable” na kaso ng remote attendance ng mga senador sa plenaryo.

Nagpahayag rin ng hinala ang minorya na maaaring may mas malalim na motibo sa pagmamadali ng pag-amyenda, kabilang ang posibleng paglahok ng mga senador na nasa gitna ng legal na isyu o posibleng pag-aresto.

Giit nila, ang ganitong pagbabago ay dapat dumaan sa mas bukas na debate dahil direktang nakaaapekto ito sa partisipasyon ng mga mambabatas sa paggawa ng batas.

Matapos maantala ang sesyon dahil sa kawalan ng quorum, inadjourn ang pagdinig at itinakda ang pagpapatuloy sa Hunyo 1.