Inilarawan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG bilang “overkill” ang ginawang pagpapaputok ng baril ng mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms sa loob ng Senado.
Ayon kay Robert Alexander Morico II, nakarekober ang mga imbestigador ng kabuuang 44 na basyo ng bala mula sa apat na magkakaibang armas.
Sa bilang na ito, 36 na basyo ang natagpuan sa loob ng gusali habang walo naman ang narekober sa labas.
Batay sa imbestigasyon, tatlo sa mga ginamit na baril ay pag-aari ng OSAA habang isa naman ay mula sa National Bureau of Investigation o NBI.
Isiniwalat din ng CIDG na 26 na basyo ng bala ang nagmula sa baril na ginamit umano ni Mao Aplasca.
Ayon pa sa CIDG, maituturing na labis ang dami ng putok mula sa panig ng OSAA kumpara sa limang bala lamang na pinaputok umano ng tauhan ng NBI sa insidente.













